Feeds:
Posts
Comments

KakataQuotes

Magmatyag, tumunganga, at nang maaliw sa mga bagay bagay sa paligid.

Ang Aking Kabaliwan

Isang malaking question mark ang gumuhit sa mukha ko nang mamasdan ang sarili sa salamin ng sinasakyang pampasaherong jeep habang walang malay na naka-upo sa front seat na para lang tanga na nakatunganga sa bawat dinadaanang kanto.  Sa kabutihang palad, dahil sa mga nagsinlakihang pimples na nagha-housing na naman sa mukha ko ay biglang nanumbalik ang aking ulirat. May mabuti rin palang dulot ang galit ko sa pimples. Nasaan ako?Bakit ako nandirito?Bigla akong napatanong kay manong tsuper na tiningnan lang ako na halatang  nagdududa sa katinuan ng aking pag-iisip. Napakajudgmental naman ni manong o maaaring defensive lang ako masyado. Ewan.

Oo inaamin ko, kamuntik na akong mahulog sa bingit ng aking katinuan noong panahong iyon. Sa dami ba naman ng iniisip ko noong araw na iyon, hindi ko na namalayang wala pala akong brip. Teka, hindi na pala bago yun kaya ayos lang. Ang mas malaking problema ay wala akong malay na sumakay sa isang pampasaherong dyip na kahit singko wala akong dala. Optimistic ako kaya kinapkap ko ang aking bulsa. Shocks! Natauhan ako. Wala palang bulsa ang jersey shorts. Kung nakapag brip lang sana ako. May bulsa sana ako sa harap.

Teka alam niyo ba kung para saan yung parang bulsa sa harap ng brip? Para yan paglagyan ng asin. Para saan ang asin? Para sa itlog.

Hindi po ako baliw. Naku hindi! Sabing hindi e! (Umiiling, Lumalakad nang patalikod na parang takot na takot) Pero kinailangan ko magbaliw-baliwan para huwag lang mapahiya kay manong drayber. Tama, iyong katulad ng pagpanggap ni Chin Chin sa Dahil May Isang Ikaw. Pero baliw naman talaga si Chin Chin e. Oops… Ang ibig ko sabihin e yung role na ginagampanan niya.  Umubra naman ang drama ko sa tingin ko dahil naka-ilang ikot na yata kami pero hindi pa rin niya ako sinisingil ng pamasahe. Kaya pinapagpatuloy ko na lang ang aking joy ride bago pa akong sapilitang pababain.

Binilang ko ang bawat ikot ng jeep sa aking isip tapos minultiply ko sa P6.50 upang malaman ko kung magkano sana ang babayaran kong pamasahe hanggang sa ako’y mapagod at magpasyang bumaba. Pero 6 lang at 7 ang nasa Multiplication Table of Elements kaya nahirapan ako. Sana P10.00 or P11.00 na lang ang pamasahe para mas madali mag times. 10, 20, 30… o 11, 22, 33… Marequest nga. Hindi kinaya ng utak ko kaya ibinaling ko na lamang ang aking atensiyon sa mga nakakamanghang karatulang nakapaskil sa kung saan saan.  “wanted tendira, with cellphone experience, Female bedspacers available here”. Ano daw?  Mga baliw yata ang nagsulat nito.

Nakakatuwa talaga ang mga tao kadalasan. Hindi man lang nag-iisip basta na lang magsusulat o magsasalita ng kung anu-ano. Tulad ni Manong Drayber na nawindang  ako sa tanong niya sa NAG-IISANG PASAHERO ng dyip pagkatapos nito iabot ang bayad na dalawampung pisong buo. “Ilan sa bente?” Tumayo ang balahibo ko sa tanong ni Manong. May nakikita ba siyang hindi ko nakikita? Tapos natakot ako. Bulag ba ako? Tiningnan ko ang sarili sa salamin; nakakakita naman ako. Ibinaling ko ang tingin kay Manong Drayber; tinititigan ko siyang maigi. Bangag si Manong.  At ako ay nakasakay sa dyip ng minamaneho ng isang bangag. Goodluck sa’kin.

Kung ikaw sa  lagay ko, bababa ka ba o ipagpapatuloy mo ang biyahe hanggang sa langit? Hindi ko pa nais makasama sina Tita Cory at Marcos sa itaas at baka magka EDSA dun pero kung papara ako, paano kung singilin niya ako ng pamasahe ko na 7 trips times P6.50. (paki bilang na lang)? Tatalon na lang kaya ako?  Pero shortcut to heaven yun. Huwag na. Wala akong magawa kundi manatiling nakaupo sa front seat habang lumilipad na parang ostrich ang dyip. Oo alam ko, hindi lumilipad ang ostrich. Bakit lumilipad ba ang dyip?

Bahagyang dumami na ang pasahero nang napadaan ang dyip sa sikat na Jaro Church. Naalaala ko noong nakaraang mga taon na medyo napahiya ako nang ako lang ang hindi nag sign of the cross nang  napadaan ang sinasakyan kong dyip sa naturang simbahan. Pero ngayon, aba nawindang ang isang ale nang tumingin ang lahat ng mga pasahero sa kanya nang nag sign of the cross siya. Yun bang tingin na parang nagsasabing “Duh!” Kaya yun, hanggang In the name of the Father and of the Son na lang siya.  Nag-iba na talaga lahat ngayon.

Lahat nag-iba pati ang style ng pagsusulat. Kung gusto ng writer na ending na, period na. Tulad nitong ginagawa ko.

Manghang-mangha ako sa bagong patalastas ni Vic Sotto ng sabong Tide na iniere ngayon sa telebisyon at radyo. Hindi na basta basta ang Tide detergent ngayon dahil sa bawat pakete nito ay may kaakibat na galing ng Safeguard sa pagtanggal ng masamang amoy at sa pagpatay ng mga mikrobyo na kumakapit sa damit. Akalain mo bang pwede palang paghaluin ang sabong panlaba at sabong panligo sa iisang produkto. Tanong lamang, pwede ko kayang gamitin ang New Tide with power of Safeguard sa aking paliligo?

Samut-saring pakulo na ang nagamit ng mga produktong pang komersiyo para lamang maakit ang mga tao na bumili nito. Kung minsan, hindi ko na mawari ang ilan na ipinagtataka ko kung bakit kinakagat pa rin ng mga mamimili. Maaring dahil likas talaga sa atin ang pagkamausisa o tanga lang talaga ang karamihan sa atin na madaling nauuto ng mga patalastas. Idagdag pa na kung si Kim Chiu ang nagsasabing epektibo ang pag-inom niya ng Enervon Multivitamins kahit di naman halata sa kanyang patpatin at malamyang pangangatawan. Hindi ba?

Nang matuklasan ang kakayahan ng papaya sa pagpaputi ng kutis, hindi ko na mabilang ang iba’t ibang produktong bumulaga na sinahugan ng papaya kuno. Nariyan ang mga sabong pampaputi, mga facial cleansers, moisturizers, lotion, at iba pa na hindi naman umubra sa ate ko na habang buhay na yatang gumagamit ng mag produktong ito.

Hindi naglaon naitsapuwera ang papaya sa paglabas ng glutathione sa pamilihan. Madaling naakit ang mga tao dahil di hamak na mas mabilis ang pagputi ng gumagamit ng produkto na may glutathione. Linggo lang daw ang bibilangin para maatim ang mala-Michael Jackson na kaputian. Nakakatakot naman pala kung ganoon dahil baka magmumukhang multo na ako kung isang taon ako gagamit. Sa kutis lang ba epektibo ang glutathione? Pwede rin cguro sa labahin. Malamang pipila ang mga gloria sa tindahan ni Aling Nena para bumili ng Zonrox kung glutathione ang gagamitin nitong panghikayat. Zonrox Bleach with Glutathione. Ang lupit.

Kung glutathione ang bida sa pagpapaputi, L-carnitine naman ang sa pagpapayat. Fit ‘N Right ng Del Monte yata ang unang nagkaroon nito kung hindi ako nagkakamali. Ngayon, hindi na mabilang ang mga inuming pampapayat na may L-carnitine. Nagpapakita lamang ito na gusto ng lahat maging kasing sexy ni Marian at kasing kisig ni Gerald dahil kahit saang sulok na lang, may mga inuming ganito ang maaaring mabibili. Kulang na lang yata lagyan na nila ng L-carnitine ang mineral water at kape e. O baka mayroon na nga.

Kung padamihan lang naman ng gimik sa pag aanunsiyo, hindi pahuhuli ang mga shampoo na halos lahat na yata ng samut-saring extracts nagamit na. Merong Coconut, Papaya, Calamansi, Green Apple, Aloe Vera, Avocado, Watermelon, Chamomile at marami pang iba. Gawin bang fruit salad bowl ang buhok?

At kung sa pagka-customer friendly naman ang basehan, walang lalamang sa paborito kong Coca-Cola na tingian kung tingian ang drama. Kung pangtanggal-uhaw lang ang kailangan, may Coke Sakto na may lamang mahigit-kumulang sa 200 ml. Merong 8 oz (230+ ml) din na maaring panulak sa merienda at kung ika’y kahalintulad ng katropa kung may katabaan na kulang pa ang Coke 12 oz (350+ml), 500 ml ang tirahin mo. Siyempre pampamilya naman ang Coke litro at kung talagang likas ang pagkaganid sa lahi ninyo e mayroon din naming 1.5 at 2 Liters na maaring mabibili. Saan ka pa? Asahan mo, bukas makalawa ay bubulagtain tayo ng Coke Barangay Size.

Manood ka ng radyo, magbasa ng telebisyon, o makinig sa dyaryo, sigurado akong mapapangiti ka sa mga patalastas na halos lahat na yata ng kunsepto sa panghikayat ay nagamit na mabili lamang ang produktong ini-endorso.

Natapos ang aking paliligo gamit ang bagong Tide with power of Safeguard. Oo ginamit ko, pakialam niyo. Pwede rin naman pala. Hindi rin naman akong nagmukhang sinampay na bagong labang hapslip ni lola. Mabuti na lang pwede nang tiyagaan para hindi na ako maghihintay sa bagong Safeguard with power of Tide.

Halos nasa sulok na ang Kapaskuhan. Ramdam na ang malamig na dampi ng hangin at ang mga tugtuging Pamasko ay madalas nang naririnig. Isa sa napakarami kong inaabangan tuwing sasapit ang Pasko ay ang taunang Metro Manila Film Festival na idinaraos sa ganap na ika 25 ng Disyembre at minsan umaabot pa hanggang ikalawang lingo ng Enero ng susunod na taon. Mahigit kumulang sampung pelikulang Pilipino ang sabayang ipinapalabas sa mga sinehan na pawang mga de kalidad dahil binusising maigi ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang pagpili ng mga kalahok.

Para sa ika 35th taon ng MMFF sa susunod na buwan, hindi ko maitago ang pagkasabik na mapanood ang Mano Po 6: My Mother na isa mga kalahok sa paligsahan. Itinatampok dito ang Megastar na si Sharon Cuneta kasama sina Heart Evangelista, Christopher de Leon, Zsa Zsa Padilla at marami pang iba. Sa mahigit 30 taong karera ni Sharon ay ngayon pa lamang siya makakagawa ng isang buong pelikula sa bakuran ni Mother Lily. Una ng nakapagtrabaho ang Megastar sa Regal nang siya’y nagpaunlak na lumabas bilang panauhing artista sa pelikulang pinagtambalan nina Judy Ann Santos at Ogie Alcasid na Oh My Girl! noong nakaraang Hulyo.

Katulad ng inaasahan, ang ika anim sa serye ng Mano Po ay hitik sa mga nagsilakihang bituin na hindi pahuhuli sa mga naunang Mano Po. Maliban sa mga naunang nabanggit, kasama rin sa pamosong pelikula na ito sina Dennis Trillo, Boots Anson Roa, Ciara Sotto at JC de Vera. Mahalagang papel naman ang gagampanan ni Kris Aquino bilang matalik na kaibigan ng karakter ni Sharon. Sariling pagkukusa ni Kris ang hindi pagtanggap ng bayad makahanay lamang ang Megastar sa pelikulang ididirihe ng batikang direktor na si Joel Lamangan. Sa nakaraan, matatandaang nakadalawang beses ng gumanap sa Mano Po ang bunsong anak ni Cory.

Mano Po noong taong 2002 ang nagsilbing pagbabalik pelikula ni Kris pagkatapos ng halos limang taong hindi paglabas sa pinilakang tabing. Isang katuwang na papel ang ginampanan niya sa unang pelikula ng Mano Po na nanguna sa takilya sa 28th MMFF na umani ng halos P70 million sa loob ng tatlong linggo. Hindi matatawaran ang mga artistang nagsipag ganap dito na pinangungunahan ng Diamond Star na si Maricel Soriano kasama sina Eddie Garcia, Boots Anson Roa, Richard Gomez, Ara Mina, Gina Alajar, Amy Austria, Jay Manalo at marami pang iba. Ginawaran bilang Pinakamahusay ng Pelikula ang Mano Po sa naturang paligsahan ng mga pelikula.

Ginampanan naman ni Kris ang papel ng batang Susan Roces sa sumunod na Mano Po na pinamagatang My Home noong 2003 na hinimay ng direktor na si Erik Matti at isa ring kalahok sa MMFF sa taong iyon. Pinantayan ng ikalawang Mano Po ang nauna kung pasikatan ng artista lamang naman ang pag uusapan. Pinagsama sama sina Susan Roces, Lorna Tolentino, Christopher de Leon, Kris Aquino, Zsa Zsa Padilla, Judy Ann Santos, Carmina Villaroel at marami pang iba. Kahit hindi nagpahuli ang My Home sa bigat ng mga artistang nagsiganap, hindi nito napantayan ang nahamig ng nauna sa takilya.

Sa kabila ng hindi masyadong matagumpay na kinalabasan ng My Home, hindi nahinto ang nasimulang tradisyon ng Regal Films dahil sa ng sumunod na MMFF noong 2004, nagbida ang nag- iisang Star for All Seasons sa ikatlong pelikula ng Mano Po na pinamagatang My Love na idinirihe ng nagbabalik na si Joel Lamangan. Nakasama ni Ate Vi ang kanyang paboritong katambal sa pelikula na si Christopher de Leon at nariyan din ang pinagsama-samang mga beterano at batang artista na sina Eddie Garcia, Boots Anson Roa, Jay Manalo, at Amy Austria na kasama rin sa unang Mano Po, Sheryl Cruz, Carlo Aquino, Jean Garcia, Patrick Garcia, Karylle, Angelica Panganiban, Cherry Pie Picache, Dennis Trilllo at John Prats. Hindi yata nakatulong ang malakas na hatak ng isang Vilma Santos sa takilya sa kadahilanang hindi man lang nakapasok ang My Love sa tatlong pinakapinanood ng pelikula sa paligsahan noong taong iyon. Mas pinanood ang mga kalahok na pelikula na may temang katatakutan at pantasya o kababalaghan.

Hindi ko lubos akalain na ang Ako Legal Wife pala nina Zsa Zsa Padilla, Ruffa Mae Quinto at Cherry Pie Picache ay bahagi ng serye ng Mano Po. Sa direksiyon pa rin ni Joel Lamangan, nakipagbanggaan sa takilya ang kakaibang komedya ng Ako Legal Wife katunggali ang ibang pelikulang kalahok sa MMFF noong 2005 na ang tema ay pawang mga katatakutan at pantasya. Hindi matawaran ang mga positibong puna ng mga kritiko sa pang-apat na Mano Po subalit nabigo ito na manguna sa takilya o pumasok man lang sa ikatlong posisyon. Nakigulo din sa pelikula sina Jay Manalo, John Prats, Bianca King, at Ella Guevarra.

Hindi natinag si Mother Lily kahit hindi gaanong humamig ng limpak limpak na salapi ang mga huling pelikula niya kaya’t ibinida niya ang pinakamainit na tambalan noong 2006 na sina Angel Locsin at Richard Gutierez sa Mano Po 5 Gua Ai Di na kasama sa siyam na pelikulang kalahok sa ika-32nd MMFF. Sina Christian Bautista Lorna Tolentino, Tirso Cruz III, Gina Alajar, Ketchup Eusebio, Michelle Madrigal, Jacklyn Jose at AJ Dee ay nagdagdag din ng kulay sa isang kwento ng masaya at nakakatawa subalit masalimuot na pagmamahalan ng Instsik at Pinoy. Sa kabila ng napaka komersiyal na kwento at sikat na mga artistang nagsipagganap, nabigo pa rin ang Regal Films at si Direk Joel Lamngan na iangat ang kinita ng mga huling pelikula ng Mano Po na pawang ika-apat na pwesto lamang ang narating sa paligsahan.

Nadala na rin siguro ang Regal Films nang nahinto ang tradisyon nilang lumahok ng isang pelikulang Mano Po sa MMFF sa sumunod na dalawang taon. Nalungkot ang mga nag aabang dito sapagkat nakasanayan na ang Mano Po bawat MMFF simula noong taong 2002. Kahit na nagkaroon ng Bahay Kubo A Pinoy Mano Po noong 2007 kasama si Maricel Soriano , iba pa rin ang nakaugaliang mga pelikula na pamoso, elegante at mala epiko ang dating.

 Kaya’t naghiyawan ang mga kaibigan kong intsik at nagdaos naman ng isang piging ang mga kabitbahay kong Tsinoy nang inanunsiyo ni Megastar Sharon Cuneta ang pagbida niya sa ika-anim at tinaguriang pinakamalaking Mano Po sa kasaysayan sa nalalapit na Kapaskuhan. Magtagumpay kaya sina Direk Joel, Sharon at lahat lahat na bumubuo ng Mano Po My Mother sa malaking hamon na ito?

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.